Imposibleng mangyari pa ang naunang ulat hinggil sa umano’y pulong sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Ambassador Zhao Jianhua sa Malakanyang.
Kaugnay ito ng insidente ng pagbangga ng Chinese vessel sa isang bangkang pangisda ng mga Pilipino sa bahagi ng Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi ipinatawag sa Malakanyang si Zhao.
Aniya, isang miyembro ng gabinete ang nagmungkahing imbitahan ang Chinese official sa Malakanyang para matalakay ang insidente sa Recto Bank pero hindi ito kinatigan at pinagtibay ng cluster cabinet.
Dagdag ni Panelo, kanila na lamang hihintayin ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng dalawang bansa at saka pag-uusapan kung paano reresolbahin ang usapin.
Magugunitang, una nang kinumpirma ni Defense Secretary Lorenzana na ipatatawag ng Malakanyang si Zhao bagama’t hindi nito nilinaw kung si Pangulong Duterte ang makakaharap ng Chinese official.