Bumagsak sa panibagong record-low ang mga Pinoy na nagsasabing sila ay nakararanas ng kahirapan.
Mula sa dating 50% o katumbas ng 11.6 million na Filipinong nagsabing sila ay mahirap noong December 2018 – bumagsak ito sa record-low na 38% base sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS.
Sa datos ng First Quarter 2019 Social Weather Survey, bumagsak sa 9.5 milyon ang bilang ng mga Pinoy na umaangal ng pagdarahop o kahirapan.
Nakabawi ng malaking porsiyento ang Self-Rated Poverty score o ang mga Filipinong nagsasabing sila ay mahirap mula sa datos na 50% o katumbas ng tinatayang 11.6 million noong December 2018; 48% noong June 2018 at 52% noong September 2018.
Isinagawa ang survey noong Marso 28 hanggang 31 kung saan tinanong sa pamamagitan ng face-to-face interview ang nasa 1,440 adult Filipinos o edad 18-anyos pataas na mayroong sampling error margins na ±2.6% sa national percentages at ±5% sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao.