Tumaas ng hanggang P50 ang presyo ng mga manok sa ilang mga pamilihan sa Metro Manila dahil sa mababang suplay.
Sa Commonwealth Market at Trabaho Market, nasa P150 hanggang P160 na ang kada kilo ng mga ibinebentang manok habang nasa P180 ang choice cuts.
Mas mataas ito ng P40 hanggang P50 kumpara noong mga nakaraang buwan.
Ayon kay United Broilers Raisers Association (UBRA) president Bong Inciong, konti ang suplay ng manok dahil marami aniyang producers ang tumigil sa pag-aalaga matapos malugi dahil sa dami ng imported na manok sa bansa.
Maliban pa aniya sa pagkalugi sa pag-aalaga dahil sa paiba-ibang panahon na nagreresulta sa hindi paglaki ng mga manok.
Gayunman iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI), hindi dapat lalagpas sa P155 ang retail price ng manok sa mga pamilihan.