Nakahanda ang Pilipinas na i-akyat sa arbitration ang insidente sa Recto Bank kung saan nabangga Chinese vessel ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, aakyat ang isyu sa arbitration sakaling hindi magtugma ang magkahiwalay na imbestigasyon ng Pilipinas at China.
Sinabi ni Panelo na pinag-aaralan naman ng pamahalaan ang lahat ng opsyon para maresolba ang insidente sa Recto Bank.
Samantala, tiniyak naman anya ng China na parurusahan nila ang Chinese crew sakaling mapatunayan na sinadya nilang banggain ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda.
Pagdududa ng Palasyo itinanggi
Itinanggi ng Malacañang na duda sila sa kwento ng mga mangingisdang Pilipino hinggil sa pagkakabangga ng Chinese vessel sa kanilang bangka sa Recto Bank.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, ang mga pahayag mula sa Malacañang ay base sa mga pangyayari na ngayon pa lamang unti-unting lumalabas.
Halimbawa anya ay hindi alam ng Malacañang noong una na isa lamang sa mga mangingisda ang gising noong sila ay mabangga at inakala rin anya ng Malacañang na naka-angkla ang bangkang pangisda ng mga Pinoy sa dalampasigan.
Nilinaw ni Panelo na hindi ito pagkampi sa China kundi pag-iingat lamang sa pagbibigay ng pahayag hanggat hindi natatapos ang mga imbestigasyon.