Sibak sa puwesto ang director ng EPD o Eastern Police District dahil sa physical at verbal abuse sa isang babaeng pulis nitong nakalipas na May 12.
Ayon kay NCRPO Director Major General Guillermo Eleazar, kinumpronta ni EPD Director Brigadier General Christopher Tambungan ang pulis na si Corporal April Santiago sa isang police community precinct sa San Juan.
Sa CCTV footage mapapanood na nakasakay si Tambungan sa kaniyang sasakyan nang tamaan sa ulo si Santiago.
Bukod dito, binangga pa umano ni Tambungan si Santiago ng pinto ng kotse habang pinagsasalitaan ito ng masama.
Sinabi ni Eleazar na nito lamang Martes, June 18 niya natanggap ang report sa insidente dahil hindi makapaghain ng reklamo si Santiago sa takot kay Tambungan.
Matapos ang paunang imbestigasyon sa usapin, ipinabatid ni Eleazar na naniniwala siya sa akusasyon laban kay Tambungan kaya’t ipinag utos niya ang pagsibak dito.
Nangako naman si Eleazar na mag iimbestiga pa sa insidente.
Si Tambungan ay inilipat sa NCRPO habang si EPD Deputy Director for Administration Col. Florendo Quebeyen ang pansamanatalang tatayo bilang EPD director.