Patay ang isang lolo matapos na atakihin sa puso nang malaman na ipinasara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kapa Community Ministry International Incorporated.
Ayon kay Ambrose Alojado, sobrang nag-alala ang kanyang amang si Percival Alojado, 76 na taong gulang taga-Polomolok, South Cotabato, sa naging balita dahil umaabot sa higit P1-M ang inilagak nitong donation sa Kapa.
Noong una, isinanla ng kanyang ama ang kanilang lupang sakahan sa halagang P400,000 para isali sa Kapa noong Enero.
Kumita aniya ang pera at umabot na sa mahigit P1-M ngunit sa halip na kunin ay ni-reinvest ito ng kanyang ama sa ilalim ng kanyang pangalan at mga apo nito.
Kaugnay nito, nakiusap si Alojado sa pangulo na hayaan sila na makuha ang kanilang pera sa Kapa bago ito ipasara.
May ilang kaso na ng nagpakamatay ng miyembro ng Kapa ang lumabas sa social media mula sa iba’t ibang lugar ngunit ang kaso palamang ni Alojado ang kumpirmadong kaso na may kaugnayan sa kontrobersiya.