Posibleng tumagal pa sa 14 hanggang 17 oras kada araw ang mga ipinatutupad na water service interruption ng Maynilad at Manila Water.
Ito ang inihayag ng dalawang water concessionaires, oras na tuluyan nang sumadsad sa 160meter critical level ang Angat Dam at muling bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ayon kina Manila Water CEO Ferdinand Dela Cruz at Maynilad President Ramoncito Fernandez layunin ng mas mahabang water service interruption ang mapatagal pa ang imbak nila ng tubig.
Gayundin ang matiyak na sasapat ito sa kanilang mga customers.
Tiniyak namang dalawang water concessionaire na masusunod nang tama at nasa oras ang kanilang ipatutupad na water interruption batay sa kanilang ipinalabas na abiso.
Samantala, pinaghahanda naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMADA) chairman ang publiko sa posibleng worst case scenario sa kakulangan ng suplay ng tubig.
Worst case scenario sa water supply shortage pinaghahandaan na sa Imus
Naghahanda na ang pamahalaang lungsod ng Imus sa Cavite sa posibilidad na wala nang makarating na suplay ng tubig sa kanilang lugar.
Ito ay sa oras na sumadsad na 160meter critical level ang Angat Dam.
Ayon kay Imus Mayor Manny Maliksi, pinaghahandaan na nila ang posibleng pinakamatinding sitwasyong maranasan ng kanilang lungsod lalo’t sila ang may pinakamahabang oras ng water service interruption sa kasalukuyan.
Batay kasi sa abiso ng Maynilad, walang suplay ng tubig sa Imus simula alas-12 ng tanghali hanggang ala-5 ng umaga kinabukasan o katumbas ng 17 oras.
Sinabi ni Maliksi, nakikipag-ugnayan na sila sa Maynilad para sa mga water tanker na magrarasyon ng tubig sakaling umabot na sa zero water suplay sa kanilang lugar.
Naghahanap na rin aniya ng alternatibong mapagkukunan ng tubig at kung paano titipirin ang suplay ng mga residente gayundin ng mga pamunuan ng ospital sa lungsod.