Nahirapan si dating Foreign Affairs secretary Albert Del Rosario na makapasok sa Hong Kong.
Patuloy na nakasalang sa pagtatanong ng immigration officials si Del Rosario sa kabila nang nakalinya ito sa special lane.
Aminado si Philippine Consul General Antonio Morales na mas matagal kesa sa karaniwan ang pagproseso sa pagpasok ni Del Rosario sa Hong Kong.
Ayon kay Morales, inasahan na nila ang insidente matapos mapag-alamang dadalo si Del Rosario sa first pacific board meeting sa Hong Kong kaya’t sumulat sya sa Hong Kong immigration upang ipagbigay alam ang pagdating ng dating kalihim at gagamit ito ng special lane.
Gayunman, nang hindi anya sumagot sa kanyang liham ang Hong Kong immigration ay minabuti nyang magpadala ng tauhan para asistihan si Del Rosario.
Una rito ay hinarang rin at isinailalim sa pagtatanong ng Hong Kong immigration si Retired Ombudsman Conchita Carpio Morales .
Matatandaang kinasuhan nina Morales at Del Rosario si Chinese President Xi Jin Ping sa International Criminal Court noong Marso.
Pagharang kay Del Rosario paglabag sa vienna convention on diplomatic immunity
Malinaw na paglabag sa vienna convention on diplomatic immunity ang ginawang pagtrato ng Hong Kong authorities kay dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario.
Reaksyon ito ni Atty. Ann Marie Corominas, abogado ni Del Rosario matapos na pahirapan at kuwestyonin pa ang ang dating kalihim sa pagpasok sa Hong Kong.
Ayon kay Corominas, diplomatic passport ang gamit ni Del Rosario bilang dating kalihim ng DFA subalit pinag-antay sya ng matagal na oras nang walang ibinibigay na dahilan kung bakit.