Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng bansa.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang nasabing sama ng panahon sa layong 1, 235-kilometro Silangan ng Mindanao.
Inaasahang papasok ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng hapon kung saan may posibilidad na maging ganap na itong bagyo at tatawaging ‘Dodong’.
Nananatili namang walang epekto ang LPA sa bansa bagama’t ang trough o extension nito ay inaasahang magdadala ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Davao Region at Caraga.
Habang patuloy naman ang pag-iral ng high pressure area na nagdadala ng maalinsangang panahon sa Metro Manila, Luzon, Visayas at nalalabing bahagi ng Mindanao.