Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga business leaders ng Thailand na makiisa sa Build-Build-Build Program ng Philippine government.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag matapos na humarap ito sa 20 malalaking negosyante ng Thailand.
Ayon sa chief executive, sa ngayon patungo na ang Pilipinas sa mas matatag at mas ligtas na bansa pagdating sa larangan ng pagnenegosyo.
Giit ng pangulo, dahil sa malakas na macroeconomic policies at patuloy na reporma, tiyak na magiging competitive ang Pilipinas pagdating sa ekonomiya at kalakalan.
Siniguro din ng punong ehekutibo, sa mga dayuhang negosyante ang pagkakaroon ng Pilipinas ng corruption-free business climate at maraming skilled at fast learning workforce.
Pahayag pa ni Pangulong Duterte, na pinahahalagahan ng kanyang administrasyon ang mga Thai business sa Pilipinas at umaasang tataas pa ang bilang nito sa mga darating pang mga taon.
Inanyayahan naman ni Pangulong Duterte ang mga Thai businessmen na mamuhunan sa mga bagong industrial destinations sa bansa gaya ng Metro Manila, Pampanga, Clark, Cebu, Bohol at Davao.