Ipinasara ng Paranaque City government ang 18 Chinese restaurants at business establishments dahil sa kawalan ng permit at paglabag sa mga ordinansa ng lungsod.
Karamihan sa mga Chinese establishments na ito, ayon kay Melanie Soriano-Malaya, hepe ng Business Permits and Licensing Office ng Paranaque ay nasa mga barangay ng Tambo at Baclaran na halos 100 metro lamang ang layo mula sa mga hotel at casino sa entertainment city sa Coastal Road.
Kabilang sa mga ipinasara ay ang Wu Pinna Restaurant na naka rehistro sa pangalan ni Roberto Ho, Tuixianglo Restaurant na naka rehistro sa isang Domingo Palmaria, Sunshine Mart na nasa pangalan din ni Palmaria, All Thing Supermarket na naka rehistro kay Robert Ong at Juzi Mart na isang Vicky Tercenio umano ang nagma may ari.
Bukod pa ito sa Sahbu Sahbu Restaurant, Chinli Eatery, Shaxian Food Pub, Cravemouth, Dao Dao Chinese Restaurant, Yaki Yaki Homemade Dish, JJ’s Oriental Restaurant, EDC Lavishly Salon, Bayview Prince Grocery Company at Cuo Cha.
Nabatid ng city hall officials na karamihan sa mga nasabing Chinese restaurants ay gumagamit ng Pinoy dummies at pino protektahan ng ilang grupo sa mga nasabing barangay para iligal na makapag operate ang mga ito.