Pinag-iingat ng PAGASA ang 3 rehiyon sa bansa dahil sa epektong dulot ng pagpasok ng Bagyong Egay sa Philippine Area of Responsibility.
Sa inilabas na general flood advisory ng PAGASA 6 kaninang umaga, binabalaan ang mga residente na nasa tabing ilog sa Gitnang Luzon, Calabarzon o Region 4-A at Mimaropa o Region 4-B.
Dakong 8:00 kagabi nang ganap nang maging isang bagyo ang binabantayang low pressure area sa silangang bahagi ng Catanduanes.
Batay sa 10:00pm severe bulletin number 1 ng PAGASA, huling namataan ang Bagyong Egay sa layong 870 kilometro silangan ng Daet, Camarines Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 65 kilometro bawat oras.
Bagama’t wala namang nakataas na babala ng bagyo sa alinmang panig ng bansa, makararanas naman ng pag-ulan ang mga lugar ng Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Cagayan, Batanes, Gitnang Luzon, Antique, Aklan gayundin ang Cordillera at Bicol Region.
Palalakasin ng Bagyong Egay ang hanging habagat o southwest monsoon na siyang magdadala ng malakas na mga pag-ulan sa mga nabanggit na lugar.