Aabot sa halos 50 milyong pisong halaga ng mga 6 na marijuana ang sinira ng pinagsanib na puwersa ng PNP Drug Enforcement Group at ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency sa lalawigan ng Kalinga.
Ito’y makaraang salakayin ng mga awtoridad ang may 14,000 metro kuwadradong plantasyon sa Barangay Tinglayan kung saan nakatanim ang mahigit 240,000 na marijuana.
Ayon kay PNP-PDEG Director P/Bgen. Ignatius Ferro, bunga ito ng 3 araw na pagmamanman at operasyon laban sa Cyrus Drug Syndicate na siyang pinagmumulan ng marijuana sa Cordillera Administrative Region hanggang sa Metro Manila.
Gayunman, wala ni isa mang nagtatanim ng marijuana ang naaresto ng mga awtoridad subalit patuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga ito sa lugar upang wala nang makapagtanim muli ng ipinagbabawal na halaman.
Magugunita nitong Biyernes nang makasabat ang mga awtoridad ng nasa mahigit 100 kilong bloke ng marijuana na nagkakahalaga ng 15 milyong piso mula sa 4 na naarestong suspek kabilang na ang isang 23 anyos na criminology student.
Ayon sa Kalinga Police, ang 4 din anila ang siyang nasa likod ng paggawa ng marijuana juices na inihahalo sa e-Cigarettes o vape kaya’t mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.