Nalinis na mula sa mga sidewalk vendors ang mga lansangan sa Divisoria sa lungsod ng Maynila.
Dalawang araw ito matapos ang pagsisimula nang panunungkuln ni Manila Mayor Isko Moreno na una namang nangakong lilinisin ang Divisoria sa loob ng 48 oras.
Umapela naman ang ilan sa mga vendors na mabigyan ng isang bahagi para makapag hanap-buhay pa rin sila.
Ikinasa rin ang clearing operations sa Recto area ng lungsod kung saan dalawang tao ang inaresto dahil sa pangongolekta ng pera mula sa mga vendors na pinaniniwala ng mga itong legal ang pagbebenta sa mga kalsada.
Kasabay nito, ibinunyag ni Moreno ang tangkang panunuhol sa kaniya para bumitiw sa kampanya kontra illegal vendors.
Sinabi ng alkalde na P5-M kada araw ang ibibigay sa kaniya subalit simple lamang ang sagot niya, subukan nyo at hindi na aniya tumawag sa kaniya ang nagtangkang manuhol.
Binigyang diin ni Moreno na papayagan lamang niya ang vendors na mag hanap-buhay sa legal na paraan.