Isang taon pang pinalawig ng Taiwan ang visa free privilege para sa mga Pilipino.
Ayon sa Taiwan Economic and Cultural Office (TECO), epektibo ang extension mula August 1, 2019 hanggang July 31, 2020 bilang pang-engganyo na rin sa mga Pilipino na bisitahin ang Taiwan para makapamasyal, may kinalaman sa negosyo o iba pang layunin.
Sinabi ng TECO na layon din nang pagpapalawig sa visa free privilege na mapalalim pa ang relasyon ng Taiwan sa Pilipinas sa iba’t ibang aspeto.
Ang mga Pilipino ay uubrang pumasok ng Taiwan hanggang 14 na araw ng walang visa kasunod ng apat na kondisyon.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng regular passport na valid pa ng anim na buwan mula sa petsa nang pagpasok sa Taiwan, mayroong confirmed return plane o boat ticket o valid visa sa susunod na destinasyon, kumpirmasyon ng hotel booking o address kung saan magi-stay gayundin ng financial statement at walang criminal record batay na rin sa verification ng immigration ng bansa.