Pinuna ni Sen. Grace Poe ang tila mas lumalalang kondisyon ng mga train ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3).
Ito’y kahit pa aniya kinukumpuni na ng service provider nito na Sumitomo Mitsubishi Heavy Industries-TES Philippines.
Ayon kay Poe, chair ng senate public service commitee, halos linggo-linggo nang nagkaka-aberya ang MRT kahit naman mayroon ng ginagawang maintenance work ng service provider ng mga tren.
Aniya, dapat magpaliwanag ang Department of Transportation (DOTr) hinggil dito.
Magugunitang kahapon ng umaga ay pinababa ang mahigit 800 pasahero ng MRT matapos hindi magsara ang pintuan nito sa northbound lane ng Shaw Boulevard station sa Mandaluyong City.
Itinanggi ng Department of Transportation (DOTr) na mas lalong lumalala ang sitwasyon ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) .
Ito’y matapos kwestyunin ni Sen. Grace Poe ang lagay ng mga tren ng MRT gayung mayroon na umano itong maintenance work mula sa service provider na Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries-TES Philippines.
Giit ng DOTr, nabawasan na ang bilang ng aberya sa MRT simula ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi anila naging madali ang pagsasaayos ng kanilang nadatnang kondisyon ng MRT kung saan sira-sirang riles at aircon, hindi namintinang mga bagon at kulang-kulang na spare parts.
Ngunit anila sinisikap nila na unti-unti ring solusyunan hanggang ngayon ang mga nabanggit na problema.