Hinimok ng DILG o Department of Interior and Local Government ang mga bagong halal na mga gubernador at alkalde sa bansa na makilahok sa good governance program ng pamahalaan.
Ayon kay DILG Spokesman Usec. Jonathan Malaya, aabot sa mahigit 1700 na bagong halal na mga lokal na opisyal ang isasailalim sa orientation course upang makapagbalangkas ng first 100 days plan at executive agenda.
Nakasalig ito sa inilabas na memorandum circular 2019-96 ni DILG Sec. Eduardo Año na nag-aatas sa lahat ng gubernador, alkalde, mga miyembro ng sangguniang panlalawigan, panglungsod at pambayan na sumali sa mga inisyatiba ng NEO 2019 program.
Bahagi ito ng nagpapatuloy na pamamagitan ng DILG sa ilalim ng Local Government Academy na naglalayong bigyan ng ibayong kapangyarihan ang mga bagong sibol na mga lingkod bayan.
Sa kasalukuyang bilang na 1,715 na mga bagong halal na lokal na opisyal, 81 dito ang provincial governors, 145 ang city mayors at 498 na first-time municipal mayors.
Ang schedule ng orientation course ay ang mga sumusunod:
July 8 to 10 para sa lahat ng provincial governors; July 10 -12 para sa mga city mayors sa Metro Manila; July 16 to 18 para sa mga bagong municipal mayors sa regions 1, 3, at 4-a ; July 17 to 19 mga municipal mayors sa regions II, CAR, Mimaropa, at Bicol Region na isasagawa sa Metro Manila.
July 24 – 26 para sa mga bagong municipal mayors sa Mindanao na idaraos sa Davao City at July 29 – 31 para naman sa mga bagong municipal mayors sa Visayas na isasagawa naman sa Cebu City.