Tatlong lalake ang patay matapos makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa Brgy. San Pablo, bayan ng Sto. Tomas, lalawigan ng Batangas.
Batay sa impormasyong ipinabatid sa DWIZ ng Batangas Provincial Police Office, nangyari ang insidente dakong 11:30 kagabi, Hulyo 6.
Nakatanggap umano ng sumbong ang pulisya mula sa mga residente hinggil sa presensya ng tatlong lalaki sa kanilang lugar na kahina-hinala ang kilos at pinaniniwalaan ding armado.
Nang makarating na ang pulisya sa Valle Pio, Brgy. San Pablo, doon na nagkaroon ng stand-off kung saan, nagkaroon muna ng negosasyon.
Isinisigaw pa ng tatlo ang mga katagang “allahu akbar” na indikasyon ng kanilang pagmamatigas at hindi nila pagsuko na siyang dahilan kaya’t nauwi iyon sa palitan ng putok at pagkasawi ng tatlo.
Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong kalibre .45 baril na siyang gamit ng mga hindi pa kilalang mga salarin habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.