Umapela ang Malacañang kay Sweden ambassador to the Philippines Harald Fries na tingnan ang konteksto ng rape joke ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na naiintindihan ng Palasyo ang sentimiyento ni Fries nang sabihing hindi nakakatawa ang rape joke ng pangulo.
Subalit, binigyang diin ni Panelo na hindi dapat husgahan ang pangulo batay sa kaniyang mga salita kundi dapat ay sa mga nagawa nito.
Iginiit pa ni Panelo na nirerespeto ng pangulo ang mga kababaihan at kinikilala ang abilidad ng mga ito kaya’t nagtatalaga ng mga babae sa mga posisyon sa gobyerno at hukuman.
Ibinida rin ni Panelo ang mga nilagdaang batas ng pangulo na nagbibigay ng halaga sa mga kababaihan tulad ng Expanded Maternity Leave act at kalusugan at Nutrisyon ng Mag-nanay Act.
Sa ilalim din aniya ng administrasyon ay nailuklok ang Pilipinas sa Global Gender Gap report 2018 ng World Economic Forum bilang Most Gender Equal Nation sa Asya.