Umapela ng pang-unawa sa publiko ang Philippine General Hospital (PGH) kaugnay sa ginagawang renovation ng kanilang emergency room (ER) at intensive care unit (ICU).
Ayon kay PGH officer-in-charge at spokesperson Jubert Benedicto, kung maaari sana ay magpa-ospital muna sa iba dahil sa apektado ang kanilang operasyon ng isinasagawang renovation.
Nabawasan kasi ang bilang ng mga pasyente na kaya nilang matingnan at magamot sa ER at ICU ng PGH dahil sa pagbaba ng bed capacity.
Gayunman, nilinaw ni Benedicto na sa kabila nito ay hindi nila pinapaalis ang mga pasyenteng nagtutungo sa kanila at binibigyan pa rin ang mga ito ng akmang atensyong medikal.
Nagsimula pa noong nakaraang Hunyo ng nakaraang taon ang pagsasaayos sa ospital at inaasahang matatapos sa Pebrero 2020.