Nadagdagan ang bilang ng mga tumututol sa ‘Mega Franchise Bill’ na ipinagkaloob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC).
Ito’y makaraang lumiham ang Developers of Renewable Energy for Advancement (DREAM), Inc. kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan umapela ito na huwag payagan at ibasura ang ipinasang House Bill No. 8179 o SPBC franchise bill ng kongreso.
Sinasabing kabilang ang dream sa mga asosasyon ng developers ng iba’t ibang renewable energy projects gaya ng Philippine Solar Power Alliance, Biomass Renewable Energy Alliance at iba pa.
Babala ng grupo, sa oras na maalis ang kompetisyon sa merkado ito ay posibleng magresulta ito sa kakulangan ng pagbabago at pagpapabuti sa mga serbisyong enerhiya gayundin ang pagtaas sa singil sa kuryente.
Binigyang diin pa nito na wala namang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng SPBC at iba pang kompanya ng enerhiya na may mga kapasidad, mapagkukunan at malawak na karanasan sa operasyon sa distribusyon ng power technologies at mini-grid systems sa bansa.