Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang panibagong insidente ng pamamaslang sa isang mamamahayag sa North Cotabato, kamakalawa.
Ayon kay Atty. Jackie De Guia, tagapagsalita ng CHR, ang sinapit ni Brigada News FM-Kidapawan station manager Eduardo Dizon ay panibagong insidente ng lumalalang karahasan sa mga mamamahayag.
Giit ng CHR, dapat aksyunan ng mga otoridad ang kaso, papanagutin sa batas ang sinumang nasa likod nito at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa.
Sa panig naman ng Pambansang Pulisya, tiniyak ni PNP Spokesman P/col. Bernard Banac na hindi sila titigil hangga’t hindi napananagot ang mga salarin sa pagpatay kay Dizon.
Bilang bahagi ng binuong presidential task force for media security, sinabi ni Banac na mandato nila ang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng lahat ng mga mamamahayag.
Magugunitang pinagbabaril ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo si Dizon na sakay naman ng kaniyang kotse habang nasa national highway ng Quezon Boulevard kung saan, limang basyo ng bala ng baril ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.