Dumagsa sa Kampo Aguinaldo sa Quezon City ang mga balik-bayang overseas filipino workers (OFWs) kasama ang kanilang pamilya.
Ito’y kaalinsabay ng Araw ng Pasasalamat para sa mga OFWs ngayong araw na ito na sinimulan ng jobs fair at susundan ng lecture gayundin ng training at seminar para sa mga nagnanais magtrabaho abroad.
Mayroon ding nakalatag na help-desk ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Social Security System (SSS), Pag-ibig Fund, PhilHealth, National Bureau of Investigation (NBI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Department of Trade and Industry (DTI) upang magbigay serbisyo sa mga papaalis at nakabalik nang OFWs.
Mamayang hapon naman, pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang programa kasama sina Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary Eduardo Año at PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde.
Kasabay nito, lalagda rin ng isang memorandum of agreement ang OWWA, DILG, Department of Labor at DTI na tiyak magbibigay ng tamang benepisyo para sa mga OFW.