Binalaan ng DFA o Department of Foreign Affairs ang mga Filipinong naghahanap ng trabaho na iligal o labag sa batas ang pagtatrabaho bilang Household Workers at pribadong tutor sa China.
Kasunod ito ng dumaraming kaso ng mga overstaying na manggagawang filipino sa China na nagtatrabaho bilang mga Household Workers o Tutor sa unang kalahating taon ng 2019 batay sa talaan ng Philippine Consulate General sa Xiamen.
Ayon sa DFA, karamihan sa mga nabanggit na kaso ay mga pinoy na iligal na tumatawid o pumapasok ng China.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Consulate General ang mga Pinoy sa China na sundin ang ipinatutupad na patakaran ng Chinese Immigration at iwasang manatili sa nabanggit na bansa nang lagpas sa itinatakda ng kani-kanilang mga Visa.
Pinayuhan din ng DFA ang mga pinoy na naghahanap ng trabaho na unang tignan ang mga Job Postings ng POEA at Philippine Overseas Employment Administration.