Itinanggi ng Malacañang ang pahayag ng mga kritiko ng gobyerno na magiging “defensive” daw ang laman ng State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, July 22.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo na kahit kailan, hindi naging defensive ang pangulo sa mga usaping kinakaharap ng bansa.
Malinaw naman aniya ang sinabi ng pangulo sa isa sa kanyang mga naging pahayag na kanyang lelektyuran o i-educate ang kanyang mga kritiko upang maliwanagan ang isip hinggil sa maling pagkakaintindi sa isyu ng West Philippine Sea.
Giit ng kalihim, batid ng pangulo ang isinasaad ng batas dahil isa itong abugado kumpara sa kanyang mga kritiko na hindi naman abugado kaya’t dapat lamang aniya na malektyuran ang mga ito.
Sinabi pa ng Palace spokesman na malaya ang mga kritiko na kontrahin ang argumento ng chief executive dahil sa huli, ang Korte Suprema parin aniya magpapasya kung tama o mali ang posisyon ng magkabilang kampo.
Samantala, tinanong aniya si Pangulong Duterte kaugnay sa magiging talumpati nito bukas at ang tanging sagot lamang aniya nito sa kanya ay “it will be a short message”.