Nakatakdang iparada ng iba’t ibang militanteng grupo ang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinawag nilang “Duter-Syokoy” o “halimaw ng West Philippine Sea” kasabay ng 4th SONA o State of the Nation Address ng pangulo.
Ito’y bilang pagsuporta ng mga nabanggit na grupo sa panawagang igiit ng Pilipinas ang pagkapanalo nito sa International Arbitral Tribunal laban sa China habang pagtutol naman sa iba pang mga ginagawang hakbang ng administrasyon tulad ng extra-judicial killings, isyu ng kontraktuwalisasyon at mababang sahod gayundin ang kawalang trabaho sa bansa.
Isang effigy rin ng isda na yari sa kawayan na may taas na 20 talampakan ang ipaparada ng grupong KADAMAY na sumisimbulo naman sa bigong pagtugon ng pangulo sa mga usaping pandagat.
Maliban dito, sinabi ni Renato Magtubo, pinuno ng Church Labor Conference ng Partido Manggagawa, layon nito na hikayatin ang pamahalaan na tuparin ang pinangako ng pangulo na tapusin ang ENDO o End of Contract sa mga manggagawa.
Para naman kay Ka Elmer Labog ng Kilusang Mayo Uno, lalong lumala ang sitwasyon at walang aasahan ang mga manggagawa kay Pangulong Duterte dahil sa patuloy na pagkiling nito sa mga kapitalista.