Gumugulong na ang pag-amyenda sa charter ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, nakapaloob sa binubuo nilang bagong PCSO charter ang pagsasapribado sa operasyon ng ahensya tulad ng pagpapatakbo sa lotto, small time lottery (STL), perya ng bayan at iba pa.
Sinabi ni Gatchalian na lilimitahan naman sa koleksyon ng government share at audit ang magiging papel ng pamahalaan partikular na ang Department of Finance.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, lahat ng makokolektang kita sa PCSO ay ididiretso sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil ginagawa rin naman ng ahensyang ito ang mga ginagawa ng PCSO.
Mas magiging episyente rin anya ang pagbibigay ng tulong ng DSWD dahil mayroon silang listahan ng mga mahihirap na Pilipino.
Kaugnay nito, nanawagan si Gatchalian sa DSWD na pasukan ang naiwanang tungkulin ng PCSO sa pagkakaloob ng tulong medikal upang hindi maputol ang ipinagkakaloob na tulong ng gobyerno.