Naniniwala ang Malakanyang na muling sesertipikahan bilang ‘urgent’ ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na naglalayong wakasan na ang kontrantuwalisasyon sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inatasan na ni Pangulong Duterte ang Department of Labor and Employment (DOLE) na repasuhin ang Security of Tenure bill.
Nakadepende na aniya ang mga probisyon na babaguhin sa ihahaing panukala ng DOLE.
Kaugnay nito, itinanggi ni Panelo ang mga akusasyon laban kay Pangulong Duterte matapos i-veto ang Security of Tenure bill at tiniyak na tutuparin nito ang pangakong wawakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Una nang inihaing muli ni Senador Joel Villanueva ang kaparehong bersyon ng panukala sa senado noong Lunes.