Patuloy na dumaraan ng Sibutu Strait sa bahagi ng Tawi-Tawi ang barkong pandigma ng China habang nakapatay ang mga automatic identification system (AIS) nito.
Ayon ito kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa kabila aniya ng pagtutol ng Pilipinas at paglapit niya ng nabanggit na usapin kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.
Paliwanag ni Lorenzana, tila nais itago ng nabanggit na barkong pandigma ng China ang kanilang pagkakakilanlan dahil sa pagpapatay nito ng AIS at hindi ma-detect ng radar.
Gayunman, sinabi ng kalihim na malinaw pa rin itong nakikita ng Philippine authorities dahil makipot lamang ang Sibutu Strait.
Binigyang diin pa ni Lorenzana, dapat ipagbigay-alam sa mga otoridad ng Pilipinas sakaling makikiraan sa karagatang bahagi ng bansa ang isang dayuhang barkong pandigma.