Tuluyan nang naging isang ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area ng PAGASA.
Base sa pinakahuling weather update, bagamat nasa PAR o Philippine Area of Responsibility si Bagyong Hannah, hindi na ito inaasahang magla-landfall saan mang bahagi ng bansa.
Pero patuloy parin umanong asahan ngayong araw at bukas, araw ng Lunes, ang katamtaman hanggang may kalakasang pag-ulan sa bahagi ng Metro Manila, Zambales, Pangasinan, Bataan, Rizal, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, Northern Palawan, Romblon, Aklan, at Antique.
Habang mahina hanggang may katamtamang lakas ng pag-ulan naman sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas.
Moderate to heavy rains naman ang maaring mararanasan sa Martes, August 6 sa Metro Manila, Ilocos Region, Zambales, Pangasinan, Bataan, Rizal, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, Northern Palawan, Romblon, Aklan, at Antique.
Light to moderate hanggang sa kalakasang pagbuhos ng ulan rin ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Luzon at Visayas.
Pinapayuhan naman ng PAGASA ang mga residenteng naninirahan sa mga nabanggit na lugar na manatiling alerto at mapagbantay sa mga posibleng insidente ng pagbaha at pagguho.
Samantala, mahigpit namang ipinagbabawal ang paglalayag sa mga karagatang nasa western seaboard ng Luzon dahil sa matinding sama ng panahon.
Namataan ang sentro ni Bagyong Hanna, 940 km east northeast ng Virac, Catanduanes o 1,190 km eastern part ng Infanta, Quezon at kumikilos sa bilis na 10kph na may pagbugsong umaabot sa 70kph at may lakas ng hangin na 55 kph.