Hindi pa tapos ang laban para sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB at Metro Manila Development Authority o MMDA.
Ito’y dahil sa kapwa ikinakasa na ng 2 ahensya ang ihahain nilang apela kontra sa inilabas na injunction order ng Quezon City RTC hinggil sa nakatakdang pagpapatupad ng provincial bus ban sa EDSA sa Miyerkules, Agosto 7.
Ayon kay Edsa Traffic Chief Col. Edison “Bong” Nebrija, nagpupulong na ang kanilang legal team at ikinakasa na rin ang isang diyalogo sa Office of the Solicitor General para sa konsultasyon.
Sa ilalim kasi ng bagong panuntunan ng MMDA, lahat ng mga pasahero na papasok at lalabas ng Metro Manila ay kinakailangang dumiretso sa mga itinayong terminal ng MMDA sa Valenzuela City at Sta. Rosa sa Laguna.
Doon naman nakahimpil ang lahat ng mga bus na magmumula at patungong probinsya dahil isasara na ang lahat ng terminal nito na nakadikit sa kahabaan ng EDSA.