Isa pang kasong libelo ang ihahain ni Executive Secretary Salvador Medialdea laban kay Special Envoy to China at Columnist Ramon Tulfo.
Ang panibagong libel case ay nag ugat sa column ni Tulfo na inilabas nitong nakalipas na July 25 kung saan inakusahan ng kolumnista si Medialdea na walang ginagawa sa apela ng isang Felicito Mejorado na makuha ang kaniyang reward money mula sa gobyerno.
Si Mejorado ang nagbigay ng tip sa pamahalaan hinggil sa sinasabing smuggling operation sa Mariveles, Bataan nuong 1997.
Inakusahan ni Tulfo si Medialdea na humihingi ng pera para mailabas ang tip mula sa isang Vianney Garol.
Tahasan namang itinanggi ni Medialdea ang nasabing akusasyon at sinabing ang apela ni Mejorado ay hindi naipit sa office of the president ng isang taon kundi tatlong (3) buwan lamang.
Nakuha aniya ng OP ang notice of appeal ni Mejorado nito lamang april 5 at kumilos kaagad sila kung saan inabisuhan ang Department of Finance na una nang nagbasura sa request ni Mejorado para makuha ang record ng kaso.
Sinabihan na rin ang NBI para i-verify ang pagkakadawit ni Garol at iba pa maging ang Department of Justice para isampa ang kaukulang kaso.
Una nang kinasuhan ni Medialdea si Tulfo ng libelo matapos nitong akusahan ang little president na benefactor umano ni PCSO board member Sandra Cam.