Target ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tapusin ang ginagawang bersyon ng panukalang batas laban sa ‘endo’ bago matapos ang Agosto.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kapwa magiging balanse para sa mga manggagawa at employers ang kanilang ginagawang bersyon, alinsunod na rin aniya sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Bello, dalawang punto sa ginagawang bersyon ng administrasyon ang maiiba sa naunang vinetong Security of Tenure bill ng pangulo.
Kabilang aniya dito ang kahulugan ng ‘labor only contracting’ at panuntunan sa pagpili ng mga trabahong maaaring i-outsource at kung sino ang tutukoy nito.
Dagdag ni Bello, plano ring nilang konsultahin ang iba’t ibang grupo ng mga manggagawa hinggil sa binubuong panukala.
Tiniyak naman ng kalihim na bagama’t na-veto ang unang bersyon ng Security of Tenure bill, mananatiling prayoridad ng pangulo ang pagtupad sa pangako nitong mapatitigil ang problema sa kontratuwalisasyon sa bansa.