Target ng kongreso ang ‘zero veto’ para sa lahat ng mga panukalang aaprubahan ng kamara at senado.
Ipinabatid ni House Majority Leader Martin Romualdez na matapos ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Palasyo, napagkasunduan nilang magsagawa ng regular na buwanang pagpupulong para matiyak na maaprubahan ang lahat ng priority measures ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinitiyak nang binuong small group ang regular na pagpupulong para magkaruon ng magandang kaugnayan at koordinasyon sa kongreso at cabinet members na masigurong mabilis ang pag-facilitate at pag-harmonize sa mga panukala lalong-lalo na ang mga itinuturing na priority measures ng pangulo.
Sinabi ni Romualdez na hindi nila sasayangin ang oras, pagod at salapi ng bayan para sa pag-apruba ng mga mahahalagang panukala.
Makikipagtulungan din aniya ang kongreso sa Presidential Legislative Liason Office (PLLO) para i-alerto sila sakaling may mga probisyon sa mga panukala na kakailanganin ng masusing talakayan sa pagitan ng house members.
Kabilang sa mga paunang priority measures na napagkasunduan ng small group na aprubahan kaagad bago ang session break ay 2020 National Budget, pagtatatag ng Department of OFWs, pag-amiyenda sa Public Service Act, pagpapataw ng mas mataas na excise tax rates sa alcohol, pag-institutionalize ng Malasakit Centers at paglikha ng Tax Reform for Attracting Better and Hhigh Quality Opportunities o trabaho.