Hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na mahigipit na sundin o ipatupad ang “enhanced 4s strategy” para mabilis na masugpo ang mga lamok na nagdadala ng dengue virus.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, dapat ipatupad ng lahat ng alkalde at mga barangay officials ang sabay-sabay na pagsasagawa ng ‘4 o’clock habit’ o ang sabay-sabay na paglilinis ng kapaligiran at pagtatapon ng mga naipong tubig tuwing 4PM araw-araw.
Gayundin ang pagsasagawa ng chemical intervention o pagspray ng mga microbial o chemical insecticide sa mga naipong tubig na pinamamahayan ng kiti-kiti at ang paghikayat sa kanilang mga nasasakupan na agad magpakonsulta kung may nararamdaman na.
Inatasan din ni Año ang mga LGU na makipag-ugnayan sa mga regional offices ng Department of Health para sa pagpapakalat ng impormasyon para masugpo ang dengue.
Pinatitiyak din ng kalihim sa mga LGU kung nabibigyan ng ayuda ang pasyenteng may dengue na naka-confine sa mga rural health units at pampublikong ospital na kanilang nasasakupan.