Nais na paimbestigahan sa senado ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang report ng United Nations (UN) na ang Pilipinas ang siyang mayroong pinakamataas na insidente ng mga pekeng gamot sa Southeast Asia.
Sa inihaing resolusyon ni Recto, binigyang diin ng senador na naturang report ng UN ay posibleng magdulot ng alarma at mga pagkilos.
Layon ng magiging pagdinig na alamin ang laki ng problema at makapaglatag ng alituntunin para mas mapatatag pa ang kapasidad ng Food and Drug Administration (FDA) at iba pang concerned government agencies para masolusyonan ang naturang problema.
Sa ulat ng UN, naitala sa Pilipinas ang pinakamalaking pharmaceuticals crime incident sa southeast Asia mula 2013 hanggang 2017.
Sa naitalang 460 na kaso ng pamemeke ng gamot sa rehiyon, 193 dito sa Pilipinas, 110 sa Thailand, 93 sa Indonesia at 49 sa Vietnam.
Karamihan sa mga nakukuhang falsified na mga gamot ay para anti-tuberculosis, paracetamol at anti-rabies vaccines.