Kinumpirma mismo ng apat (4) na dating rebelde sa mga senador na totoong nangyayari ang pagrerecruit sa mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan para umanib sa mga komunistang grupo.
Ito’y sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa mga umano’y nawawalang menor de edad na nirecruit para sumali sa mga makakaliwang grupo.
Isa sa apat na tumestigo ay ang 21 taong gulang na si ‘Allem’ kung saan isiniwalat nito na 16 taong gulang pa lamang siya at noo’y nag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines nang siya ay irecruit ng League of Filipino Students noong taong 2014.
Nakumbinsi aniya siya na sumali sa nabanggit na grupo nang ipaliwanag sa kanya ang usapin kaugnay sa kontraktuwalisasyon dahil isang contractual employee noon ang kanyang ina.
Dagdag pa ni Allem, tatlong taon siyang naging aktibista bago siya nagdesisyon na umanib sa New People’s Army (NPA), ang itinuturing na ‘armed wing’ ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Nagdesisyon aniya siya na umalis na sa grupo noong April 2018 kasama ang kasamahan niyang miyembro na kanyang naging asawa.
Nagkaroon aniya siya ng pamilya at mga anak at sinubukang lumapit at manghingi ng ayuda mula sa komunistang grupo nang magkasakit ang kanyang mga anak ngunit nabigo sya na makakuha ng tulong.
Ang naturang pangyayari naman ang nag-udyok kay Allem at kanyang pamilya na sumuko na sa mga militar.
Kalaunan, hinimok naman ni Allem ang kanyang mga kasamahan na pahintulutan na ang mga di umano’y nawawalang mga estudyante na makabalik sa kanilang mga pamilya.