Tumaas ang presyo ng itlog sa ilang pamilihan sa Metro Manila dahil sa kakulangan ng suplay nito.
Sa Marikina Public Market, mula sa dating P4.00 hanggang P5.00 ay mabibili na ang isang pirasong itlog sa P6.00 hanggang P8.00 kada piraso.
Sinabi ng mga manininda ng itlog na higit isang buwan na silang mayroong ‘white egg holiday’ o isang araw kada linggo na walang tindang itlog.
Ayon naman sa Philippine Egg Board, nagmahal ang feeds o patuka kaya kumonti ang nag-aalaga ng manok.
Tinukoy pa ng grupo na kung hindi gaanong tataas ang demand sa itlog ngayong taon ay umaasa silang magiging stable na ang presyo o hindi na gaanong gagalaw pa ang presyuhan ng itlog.