Pumapalo lamang sa isang milyon mula sa 20 million trips sa Metro Manila ang nahahagip ng railway system.
Ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan, sa 20 million trips, 14 million trips dito ang hagip ng public transport subalit isang milyong trips lamang ang nakukuha ng railway system.
Sinabi ni Batan na ito ang dahilan kaya’t pursigido ang administrasyong Duterte na dagdagan pa ang railway system sa bansa.
Sa ngayon ay mayroon lamang MRT 3, LRT 1 at 2 at Philippine National Railway ang bansa.
Ayon kay Batan, determinado ang gobyernong Duterte na tapusin na ang konstruksyon ng LRT 1, Cavite Extension, MRT 7, Subway, Subic Clark Railway, PNR Clark-Calamba, PNR Bicol at Mindanao Railway.
Mula sa 77 kilometrong railway, ipinabatid ni Batan na target ng administrasyon na itaas sa mahigit 1,000 kilometro pagsapit ng taong 2022.
Tiwala si Batan na kapag natapos ang mga bagong railway, madadagdagan na ang kasalukuyang one million trips na hagip ng railway system na maging 3.2 million sa year 2022.