Tumaas ang bilang ng mga kaso ng kidnapping na may kinalaman sa illegal loan shark business dahil sa pagdagsa ng mga turistang Tsino na nagsusugal sa bansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group spokesman Lt. Col. Elmer Cereno, aabot sa 52 casino-related kidnapping incidents ang kanilang naitala kung saan 119 dito ang mga Chinese kidnapper.
Ayon kay Cereno, marami aniya sa mga nagsusugal na Chinese national sa Pilipinas ay dinadala ng mga junket operators mula sa Mainland China.
Hinihikayat ang mga ito na magbakasyon dito sa Pilipinas kung saan dinadala ang mga ito sa casino para magsugal at pinapautang pa ng pansugal.
Sakaling matalo na sa sugal, dinudukot umano ang mga ito, ikinukulong sa isang hotel room at saka binubugbog, tinatawagan ang pamilya sa China para magpadala ng ransom sa pamamagitan na rin ng wire transfer.
Dahil dito, sinabi ni Cereno na kanilang pinaigting ang ugnayan sa Department of Justice, National Capital Region Police Office (NCRPO) at Bureau of Immigration maging sa pamunuan ng naia para maglatag ng action plan kontra rito.