Pinauulit ng Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang imbestigasyon nito hinggil sa pagkakapatay sa 3-taong gulang na batang babae sa naging operasyon ng mga awtoridad sa Rodriguez, Rizal noong Hunyo.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, hindi siya kumbinsido sa naging resulta ng imbestigasyon at nais din niyang matukoy kung sino talaga ang nakabaril sa bata.
Dahil dito, ipinag-utos ni Triambulo sa kaniyang mga tauhan na bumalik sa pinangyarihan ng krimen at kumuha ng mga bagong pahayag mula sa mga saksi.
Sa kabila na rin aniya ng gumugulong na pre-charge investigation laban sa mga pulis na nagsagawa ng operasyon, sinabi ni Triambulo na nais niyang tiyakin ang mga nasa likod ng pagkamatay ng batang si Myca Ulpina.
Magugunitang si Myca ang ginawang human shield ng kaniyang amang si Renato na siyang target ng operasyon dahil na rin sa ipinagbabawal na gamot.