Ikinalungkot ng grupong Alyansa Tigil Mina ang pagkamatay ni dating environment secretary Gina Lopez.
Ito ay ayon kay JB Garganera, national coordinator ng naturang grupo.
Aniya, isang malaking kawalan ang pagkamatay ng dating kalihim at kilalang environmentalist dahil ito ang naging simbolo ng pagkakaisa ng mga nangangalaga sa kalikasan.
“Siya po yung sumisimbolo ng pagkakaisa ng mga gustong mangalaga sa kalikasan. Naging boses siya ng iba’t ibang environmental group”.
Dagdag pa ni Garganera, napakapositibong tao pa rin ni Lopez sa kabila ng kanyang karamdaman.
Itinuro daw sa kanila ni Lopez ang pagiging inspirasyon dahil sila ay nasa tama at kung paano mamuhay nang hindi nakasisira sa kalikasan.
“Nakikita niya yung mga kailangan, yung mga magandang gawin, yung mga mabubuti na dapat i-share sa iba. Ang lagi po niyang sinasabi sa amin ay ipagpatuloy po dahil tama yung ating ginagawa.”— Pahayag ni Alyansa TigilMmuna National Coordinator JB Garganera.
(Ratsada Balita interview)
“Tuloy ang laban.”
Ito ang sigaw ng mga environmentalist matapos ang pagpanaw ni dating environment secretary Gina Lopez.
Ayon kay Alyansa Tigil Mina National Coordinator JB Garganera, kahit na yumao na ang tumayong simbolo ng pagkakaisa ng mga nangangalaga sa kalikasan ay tuloy pa rin ang kanilang pakikibaka.
Dagdag pa nito, kahit na wala na sa Department of Environment and Natural Resources o DENR si Lopez ay tinutuloy pa rin ng ahensya ang ilang mga proyekto nito.