Ikinasa ng Department of Health ang anti polio campaign sa Quiapo sa lungsod ng Maynila.
Sa pamamagitan ito ng oral vaccination na nilahukan ng mga magulang, daan daang sanggol at mga bata na may edad hanggang lima.
Ang nasabing aktibidad sa Del Paso Covered Court ay bahagi ng synchronized vaccination na may temang “Olat ang polio sa Maynila’ at dinaluhan nina Manila Mayor Isko Moreno, Health Undersecretary Eric Domingo, DOH Director Dr. Eric Tayag at mga kinatawan ng UNICEF at World Health Organization.
Ipinaalala ni Domingo ang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran sa eskuwelahan, bahay, komunidad maging sa pangangatawan.
Inamin ni Domingo na bagamat taong 2000 pa nang ideklarang polio free na ang Pilipinas, may mga lugar pa rin sa bansa ang itinuturing pa rin na high risk sa usapin ng nasabing sakit.
Target aniya nilang mabigyan ng anti polio vaccine ang halos 200,000 sanggol at batang hanggang limang taong gulang.
(with report from Aya Yupangco)