Inaalam na ng embahada ng Pilipinas sa Nigeria ang ulat hinggil sa 13 Pilipino seamen na kabilang sa mga dinukot sa baybayin ng Cameroon noong nakaraang linggo.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagpadala na ng kinatawan ang Philippine Embassy sa Abuja na nakasasakop sa Cameroon na makikipag-ugnayan sa mga otoridad para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng sinomang Pilipino na nabihag ng pirata sa lugar.
Dagdag ng DFA, tuloy din ang kanilang komunikasyon sa manning agency at mga kaanak ng mga sinasabing dinukot na mga seaman.
Batay sa ulat, nangyari ang pag-atake noong Huwebes sa karagatan ng Cameroon malapit sa Douala sa Africa.
Sinasabing, 9 na mga Pilipino ang dinukot na sakay ng isang barko ng Greece habang apat na Pilipino, tatlong Russians at isang Ukranian ang binihag naman mula sa isang German-owned vessel.