Pinaiimbestigahan ng Bayan Muna Partylist ang posibleng maging epekto sa seguridad ng planong pag-develop ng mga negosyanteng Chinese sa tatlong strategic islands sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Sa inihaing House Resolution Number 254 nila Bayan Muna Representatives Carlos Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite, kanilang iginiit na posibleng mas malagay sa alanganin ang seguridad ng bansa dahil sa nabanggit na mga proyekto.
Anila, mas nakakabahala anila ito lalo’t kasabay nito ang patuloy na pagkilos ng Chinese naval at military sa South China Sea o West Philippine Sea.
Magugunitang kamakailan lamang lumabas ang ulat na target umanong pangunahan ng mga Chinese investors ang planong pag-develop sa Isla Fuga sa Cagayan gayundin ang Grande at Chiquita sa Subic Bay, Zambales.
Ayon sa militar, may mahalagang papel sa pambansang seguridad ang tatlong nasabing isla dahil sa istratehiko nitong lokasyon.