‘Makatulong sa pagkakaroon ng tamang nutrisyon at maiwasan ang malnutrisyon sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.’
Ito, ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, ang layunin ng pagbuhay nila sa pamamahagi ng nutribun sa mga mag-aaral.
Paliwanag ni Teodoro, labis na nakaaapekto ang malnutrisyon sa school performance ng mga mag-aaral kaya’t muli nilang binalik ang naturang programa.
‘’Ang nutrisyon, nakaka apekto sa kanilang school performance kaya ninais natin na ibalik itong tinatawag nating nutribun, ipamimigay ito sa mga nag aaral nating grade 1 dito sa Marikina para sa ganon walang nagugutom, yung malnutrisyon wala. Ang gagawin natin dito, sa simula ng programa, titimbangin at i-a-assess natin ang mga bata, titingnan natin kung tama yung timbang niya sa kanyang edad at isasailalim siya sa programa natin at bibigyan ng gatas at tinapay na pwede niyang inumin. Ang nutribun natin may iba’t ibang flavor para hindi sila nagsasawa,” ani Teodoro.
Samantala, magugunitang una nang ipinatupad ang nutribun program noong 1971 sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos bilang tugon sa tumataas na bilang ng malnutrisyon sa bansa.
(Balitang Todong Lakas interview)