Pinaiimbestigahan ni House Committee on Justice Vice Chair Alfredo Garbin ang napipintong pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na convicted sa mga kasong rape at pagpatay noong 1993.
Sinabi ni Garbin na kailangang matiyak na naipapatupad ng tama ang Republic Act 10592 o conditional expanded good conduct time allowance at tanging mga karapat dapat na inmates ang makakapag-avail.
Malinaw aniya sa record na hindi kuwalipikado si Sanchez sa early release dulot ng good behavior dahil nakapagpuslit pa ito ng iligal na droga habang nakapiit sa New Bilibid Prison.
Ayon pa kay Garbin magdurusa ang pamilya ng mga nabiktima ni Sanchez kung mapapalaya ito.
Binigyang diin pa ni Garbin na maaari ring makinabang sa nasabing batas ang mga bilanggong drug lords na tumestigo sa house justice committee hearing hinggil sa drug smuggling.
Kasabay nito isusulong din ni Garbin ang pag amiyenda sa batas hinggil sa pagpapalaya ng maaga sa mga convicted criminal lalo na ang mga sangkot sa heinous crimes.