Napikon at uminit ang ulo ni Senador Ronald Dela Rosa sa isinagawang pagdinig ng senate committee on basic education hinggil sa usapin ng muling pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Ito ay matapos siyang patutsadahan ng lider ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) na si Raul Manuel.
Sa binasang position paper ng NUSP, sinabi ni Manuel na mahihirapang mapanatili ang batas at rights awareness sa hanay ng mga public officials lalo na kung may isang senador ang pabor na mabigyan ng pagkakataong makalaya ang isang rapist na mayor.
Habang ang mahihirap aniya ay madaling matokhang.
Dagdag ni Manuel, misrepresentation lamang ng nationalism ang ROTC at iginiit na mahirap pagkatiwalaan ang mga pulis at militar na pumasok sa mga eskuwelahan dahil sangkot ang mga ito sa extra judicial killing.
Dahil dito hindi napigilan ni Dela Rosa na magtaas ng boses habang kinukwestiyon kung may kinalaman pahayag ni Manuel hinggil sa kaso ni Sanchez sa tinatalakay nilang ROTC.
Gayundin, kung totoo aniyang kinakatawan ni Manuel ang mga kabataan.
Sa huli, pinatanggal sa record ng senate hearing ang mga patutsada ni Manuel laban kay Dela Rosa.
with report from Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)