Hindi dapat malinlang ang publiko para gamitin bilang argumento sa pagbabalik ng parusang bitay ang dapat sana’y planong pagpapalaya kay dating Calauan mayor Antonio Sanchez.
Ayon kay Bro. Rudy Diamante, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care, kailangang matiyak na hindi naaabuso ang GCTA o Good Conduct Time Allowance Law.
Sa kaso aniya ni Sanchez, hindi ito nakitaan ng pagsisisi at pagbabago ng ugali para maging kuwalipikado sa GCTA Law at sa halip, nahulihan pa ito ng bultu-bultong shabu sa loob mismo ng kaniyang selda.
Gayunman, mariing tinututulan ng simbahan ang mga batas na kikitil sa buhay ng tao lalo’t nagsisisi naman sa kanilang kasalanan ay kinakailangang mabigyan ng ikalawang pagkakataon.
Maliban sa mga kasong panggagahasa at pagpatay ni Sanchez na dapat niyang pagbayaran, sinabi ni Diamante na hindi naman ito naparusahan o kinasuhan dahil sa mga nasamsam sa kaniyang iligal na droga.