Target ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na pag-aralin ng Chinese language ang ilan sa kanilang mga tauhan.
Ayon kay PNP-AKG Director Colonel Jonnel Estomo, layun nitong mas mapabilis ang imbestigasyon at maging mas epektibo ang pagresponde sa kaso ng mga dinudukot na Chinese nationals.
Sa ngayon aniya, humihingi pa ng tulong ang pulisya sa ilang grupo tulad ng movement for restoration of peace and order at federation of Filipino-Chinese chamber of commerce and industry para sa mga interpreter.
Sinabi naman ni PNP-AKG Spokersman Lt. Col, Elmer Cereno, target nilang maipadala sa China sa setyembre ang unang tatlong pulis na kanilang pag-aaralin ng Cantonese o Mandarin.
Sasagutin aniya ng Chinese embassy ang gastusin sa pag-aaral ng mga nasabing pulis na tatagal naman ng isang buwan.
Batay sa datos ng PNP-AKG mula 2017 hanggang 2019, nakapagtala na ng mahigit 50 kaso ng kidnapping ng mga turista sa bansa kung saan mahigit 100 Chinese kidnap suspect na ang naaresto.